Chapter Four

...CHAPTER FOUR...

LUMIPAS NA ANG ILANG ARAW, nasa stage pa rin ng pag-aadjust si Zari. Hindi madali para sa kanya ang manirahan sa Manila ganoong laki siya sa simpleng pamumuhay sa Iloilo. May mga araw na talagang namimiss niya ang buhay-probinsya, lalo na ang pinsan niyang si Euphemia. Kaya halos araw-araw ay tinatawagan niya ito para kamustahin.

“Uy, hindi ko akalain na guwapo pala ang kapatid ni Tito Felix ah!” komento ni Euphemia nang ikinikwento na niya ang tungkol sa binata.

“Guwapo nga pero sira ang ulo! Alam mo bang tinuturuan niya si Jhay-jhay ng mga bagay na pang-aasar sa akin! Pinagkakaisahan nila ako!” may himig pagsusumbong niya.

“Naku ah! Baka nagpapansin sa’yo!” panunukso na rin ni Euphemia.

“Luh! As if naman magkakagusto siya sa akin! Saka isa pa, bayaw siya ng tita natin! Hindi ba—” napahinto siya sa pagsasalita nang mapansin niya si Jhay-jhay na nakatingala sa ilalim ng punong-manggang nakatayo mismo sa bakuran ng kanilang bahay.

Nagawa na niyang magpaalam kay Euphemia. At pinuntahan niya si Jhayjhay. Nang tuluyan na siyang makalapit rito ay napatingin na siya sa tinitignan nito. Halos mamilog naman ang kanyang mga mata nang makita niya ang mga kumpol-kumpol na bunga ng naturang punong iyon.

“Wow! Mukhang hinog na sila! At ang sasarap nilang pitasin!” buong pagkamanghang sabi niya, “Gusto mo ba?” tanong niya sa bata.

“Kaya mo bang pitasin ang mga iyon?” may halong paghahamon na tanong nito.

“Aba, oo naman!” pagmamayabang niya, “Kung hindi mo naitatanong kapag galing kami ng Ate Euphemia mo sa simbahan, dumidiretso kami kina Manang Openg. Ang dami niyang mga punong-mangga at santol sa bakuran nila. Pinapayagan naman niya kaming mamitas roon basta sariling sikap.”

Napatingin naman sa kanya si Jhay-jhay na para bang naglo-loading pa sa utak nito ang mga sinabi niya.

“Teka nga,” aniya. At saka na niya hinubad ang suot niyang tsinelas, “Ikaw ang mag-cheer sa akin ah!”

“Are you sure about this?” pa-english pa nitong tanong sa kanya.

“Oo naman!” tumango siya saka niya palambing na ginulo ang buhok nito, “Sabi nga ni Manny Pacquiao, Para sa’yo ang laban na ‘to!”

“Okay!” ngumiti ito.

Gumanti muna siya ng ngiti sa kanyang pinsan bago siya sumampa sa puno. Hindi na naging mahirap sa kanya ang pag-akyat doon dahil hindi naman ito gaanong kataasan.

Naghanda na kaagad ng plastic bag si Jhay-jhay na siyang magpupulot ng mga manggang dahan-dahan niyang ihahagis.

“Ate, doon pa! Doon pa!” excited na turo nito.

Sinunod naman niya ang mga sinabi nito. Pero bigla siyang natigilan nang mapansin niya ang magandang tanawin sa labas ng bakuran ng kanilang bahay. Hindi niya akalain na ganoon pala kaganda ang lugar na iyon kahit maraming bubong siyang nakikita. Iyong lawak ng kalangitan ay sadyang tanaw na tanaw niya mula sa kanyang kinaroroonan. Umeksakto pang palubog ang araw kaya nagkulay kahel na rin ang buong kalangitan. At ang simoy ng hangin, malayung-malayo sa amoy ng aircon.

“Ang ganda!” buong pagkamangha niya, “Jhay, tignan mo…” tawag niya sa kanyang pinsan, at saka siya tumingin sa ibaba. Pero bigla siyang natigilan nang makita niya ang lalaking kasama ni Jhay-jhay, at nakatingala rin ito sa kanya.

Si Gerald.

Bahagya siyang ngumiti dahil sa kilig na naramdaman niya. Pero ilang saglit pa ay may unti-unti siyang na-realize.

“Hoy!” bulyaw niya rito, at saka niya inipit ang kanyang palda sa pamamagitan ng kanyang mga hita.

Nagulat naman ang binata.

“Bastos ka! Sinisilipan mo ako!”

“H-hindi ah!” tanggi nito saka yumuko.

Maang napatingin naman si Jhay-jhay sa tito nito.

“H-hindi kita sinisilipan!” Depensa pa rin ni Gerald saka napatingala ulit.

Napasigaw siya ng malakas, “Sinisilipan mo ako!” diin niya saka siya pumitas ng ilang bubot na mangga. At sinimulan na rin niya itong pagbabatuhin. Pero sadyang napakabilis nitong umilag.

“Please, stop it!” paki-usap na nito.

“Isa pang tingala mo, dudukutin ko na ‘yang mga mata mo!” pagbabanta niyang sigaw.

“Sinabi nang hindi kita sinisilipan!” diin na depensa pa rin ni Gerald, at muling napatingala sa kanya.

“Aba’t…humanda ka sa akin, lalaki ka!” hamon niya. At umakto na siyang bababa ng puno.

“Jhay, alis na ko!” pagpapaalam naman nito sa bata, at dali-dali na itong tumakbo.

Hindi naman siya nagpatalo. Pagkasayad na pagkasayad ng kanyang mga paa sa lupa ay dali-dali naman niyang dinampot ang kanyang tsinelas. Nagtatatakbo niyang hinabol si Gerald papalabas ng gate. Hindi niya ito titigilan kahit saan pa sila makarating.

Nasa labas na sila ng bakuran nang maisipan niyang ibato ang kanyang tsinelas. At daig pa niya ang isang gun shooter dahil nagawa niya itong tamaan sa likod.

Gulat na napahinto si Gerald sa pagtakbo. At iyon naman ang pagkakataon niya para malapitan ito. Pero sa kanyang paglapit ay bigla na lang siya nitong kinabig at isinandal sa gate. Gulat na napatitig siya sa guwapong mukha nito. Halos hindi siya makagalaw sa sobrang pagkabigla. At hindi rin niya alam kung papaano siya makakatakas ganoong nakaharang ang mga braso nito sa magkabilang daraanan niya.

“Ano ba’ng problema mo?” pagtatapang-tapangan niyang tanong rito para matakpan ang kabang nararamdaman niya sa mga sandaling iyon.

“Problema ko? Ikaw kaya!” pagbabalik nito, “Ilang beses ko nang sinasabi sa’yo na hindi kita sinisilipan!”

“Ano’ng hindi? Eh, huling-huli na kita!!” diin pa rin niya.

Mariin siya nitong tinititigan. ‘Ni wala siyang ideya kung ano nga ba ang tumatakbo sa utak nito, o kung ano ang susunod nitong hakbang. Kinakabahan siya pero ayaw niyang ipahalata ito sa binata. Halos ilang segundo pa silang nagtititigan hanggang sa ito na rin mismo ang unang sumuko.

“Hay, bahala ka na nga d’yan!” anito, at saka siya tinalikuran, “Male-late na ako sa trabaho!”

Siya naman ang natigilan.

“Aalis na ko!” pagpapaalam na lang nito, “Ikaw na lang muna ang bahala kay Jhay-jhay!”

Hindi na niya nagawa pang sumagot dahil sa pagkatulala. Hindi naman niya alam kung ano nga ba ang mararamdaman niya sa mga sandaling iyon habang hatid-tanaw na lang niya itong papaalis. Sandali lang nga? May ini-expect pa ba siyang ibang gagawin nito sa kanya kaya parang nakakadama siya ngayon ng panghihinayang?

“May gusto ka ba sa Tito ko?” biglang tanong sa kanya ni Jhay-jhay na siyang labis niyang kinagulat, “Pulang-pula kasi ang mukha mo, Ate! Parang kamatis!”

“Ano?!” gulat niya.

Tumawa naman ng malakas ang pinsan niya.

...ITUTULOY…...

Episodes

Download

Like this story? Download the app to keep your reading history.
Download

Bonus

New users downloading the APP can read 10 episodes for free

Receive
NovelToon
Step Into A Different WORLD!
Download NovelToon APP on App Store and Google Play