Isang magarbong palakpakan ang umaalingawngaw sa loob ng room 402. Nakahinga naman ako ng maluwag dahil naging maganda ang takbo ng report ko, syempre, kasama na din ang kapartner ko sa report.
"Great job, Nayana!" Bati ng kaibigan kong si Elene nang nakabalik na ako sa upuan.
Sumulyap ako sa kaniya saka ngumiti. "Thank you." Ang tanging nasabi ko't ibinalik ko ang aking tingin sa harap dahil may idinagdag pa ang prof namin sa dicussion.
I'm already third year college, taking up AB Psychology. Mahirap man dahil sa tambak-tambak na reporting, paper works, at research, kinakaya pa naman. Lagi ko isiniksik sa isip ko na maganda na rin iyon dahil na rin may dagdag kaalaman ulit.
First sem pa ngayon, pero busy na ako kakahanap nang pwede kong pag-aapplyan para sa OJT. Okay lang sa akin kahit sa Carmona area nalang kahit papaano ay malapit lang siya sa Dasmariñas. Gayunpaman, habang wala pang OJT ay pumapart-time pa ako para hindi ako maging pabigat kina mama. Paniguradong tatambakin kami ng bayarin kapag graduating na.
"Nga pala, be..." Biglang sabi ni Elene habang nasa karinderya kami ngayon para kumain ng lunch. Actually, alas dos ngayon ng hapon.
Napatingin ulit ako sa kaniya.
"May naghahanap ng english tutor." Dagdag pa niya.
Bigla ako napangiti nang marinig ko iyon. May trabaho ulit! "Ay, gusto ko iyan! Saan iyan? Ilang taon na daw ba?" Tanong ko, para naman malaman ko kung papaano ko mahahandle ang itututor ko kung sakali.
Napatingin siya sa taas na parang may iniisip. "Taga-Greenwoods daw, eh." Ay, sosyal! Muli siyang tumingin sa akin. "Bata pa, eh. Ten years old yata."
Pwede na din. Madali din naman makapick up ang ganyang edad.
"Isasama kitang pumunta doon para makausap natin ang nanay nung bata. Kinausap kasi ako ni Ma'm Tina kung pwede daw ako kaso naman, hindi ako pwede kasi nagpapart time ako sa Southwoods diba?" Aniya.
Oo nga pala, nagtatrabaho siya ngayon sa Southwoods. Malawak na hotel at golf course iyon hindi ko sigurado kung ilang hektariya ang nasasakupan ng hotel na iyon. Basta ang alam ko, nasasakupan niya ang G.M.A, Carmona at Biñan.
"Walang problema sa akin, kailangan ko lang ng trabaho ngayon. Saka, wala naman akong schedule tuwing Thursday and Friday." Sabi ko.
Ngumiti siya't hinawakan niya ang bote ng softdrinks. "Oh sige, tutal naman Thursday bukas, magpapaalam ako sa supervisor ko tapos sasamahan kita doon. Call?"
"Call!"
Alas siete na ng gabi ako nakarating sa bahay. Agad akong bumati kina mama at papa. Si mama ay abala na sa pagluluto ng hapunan, habang si papa naman ay abala sa panonood ng balita.
"Magpahinga ka muna sa taas, anak. Tatawagin nalang kita kapag kakain na." Sabi ni mama.
"Thanks, ma!" Sabi ko saka umakyat na ako patungo sa kuwarto ko.
Pinihit ko ang pinto at pumasok. Dumiretso ako sa gilid ng kama para umupo. Hinubad ko ang puting rubber shoes ko pati na din ang mga medyas, saka humiga ako sa kama na naka-extend pa ang mga braso ko. Napatitig ako sa kisame na hindi ko maiwasang mapangiti. Mabuti nalang pala, nabigyan ako ng trabaho habang hindi pa hectic ang schedule ko ngayong semester.
"Kaya mo ito, Naya!" Sabi ko sa sarili ko para mas lalo ako maencourage.
After few minutes, kumatok na si mama sa pinto ng kuwarto ko. Ibig sabihin, luto na ang ulam! Agad akong lumabas ng kuwarto kahit na suot ko pa ang uniporme ko. Dala-dala ko ang damit na pamalit ko mamaya. Sanay naman sina mama at papa na ganito ang routine ko para ang huling gagawin ko nalang ay mag-aaral o hindi kaya matutulog na kung sakaling wala akong assignment.
Ginisang ampalaya na maraming itlog ang niluto ni mama na giniling ng baboy ang sahog. Isa sa mga paborito ko! Agad akong umupo sa pwesto ko. Magkaharap kami ni mama, habang si papa naman ay napapagitnaan namin. As usual, siya ang padre de familia.
Nagdasal muna kami bago kumain.
"Kumain ka pa, anak." Sabi ni mama sabay abot niya sa akin ang ulam. Tinanggap ko naman iyon at naglagay sa plato ko. "Kamusta pala ang pag-aaral mo, anak?"
Nilagay ko sa gitna ang ulam pagkatapos kong kumuha. Ngumiti ako sa kaniya. "Okay na okay naman, mama. Naging maganda naman ang report ko kanina."
Tumango siya at ngumiti na din. "Mabuti naman kung ganoon." She commented.
Sinabi ko din sa kaniya tungkol sa pagiging tutor ko. Tinanong naman nila ang iilang impormasyon tungkol doon. Nakakatuwa lang dahil hindi naman nila ako pinipigilan na gusto kong kumita kahit naman na nag-aaral ako. Pinapaalala lang nila sa akin na huwag ko pa rin daw pabayaan ang pag-aaral ko. Sinusuportahan lang nila ako sa mga ganito para daw ma-experience ko.
After naming kumain, ako na ang nagprisinta para maghugas ng pinagkainan. Nasa salas ngayon sina mama at papa para manood ng tv. Then, pagkatapos kong maghugas ng pinagkainan, nag-half bath na ako at nagbihis na din sa banyo.
Lumabas ako na nakasampay pa ang tuwalya sa balikat ko. Tumigil ako. "Ma... Pa... Akyat na po ako. Goodnight po." Paalam ko sa kanila.
Sabay silang lumingon saka ngumiti. "Oh sige, Naya. Good night din, nak." Sabi ni papa.
Nang narating ko na ang kuwarto ko, isinampay ko ang tuwalya. Sumampa ako sa kama. Ichecheck ko ang facebook ko kung may biglaang assignment ba o may ipapagawa ang prof namin. Doon nalang kasi ako nakakakuha ng impormasyon kung sakali may upcoming events din.
Thankful naman ako dahil wala naman ipinapagawa ang prof namin. Magla-log out na sana ako nang bigla may nagpop out sa messenger ko. Si Elene.
Elene: Nakausap ko na yung nanay ng bata na itututor mo. Pwede daw siya bukas, alas-2 daw tayo pupunta.
Napangiti ako. Nagtipa ako para magreply.
Ako: Pwede rin. Wala naman akong gagawin ng mga oras na iyan.
Elene: Sige sige. Out na ko. Goodnight. See you tom!
Nag-log out na din ako. Ipinatong ko ang cellphone ko sa side table at umayos na ng higa.
_
Napaawang ang bibig ko nang tumambad sa aming ang maganda at malaking bahay. Sabi ko na nga ba talaga. Mayayaman ang mga nakatira sa subdivision na ito.
"Tara na?" Tanong ni Elene sa akin.
Hilaw akong ngumiti saka tumango. Tanda nang pagsang-ayon pero kinakabahan na nararamdaman.
Siya ang pumindot ng door bell. Nakatayo lang kami ni Elene at naghihintay na may lalabas. Hindi naman kami nabigo dahil may lumabas na isang may edad na babae. Nakapambahay lang ito.
"Sino po sila?" Tanong niya sa amin.
"Ay, hello po! Ako po 'yung nakausap ni Mrs. Ho para sa pagchu-tutor ng anak niya po." Sagot ni Elene sa babae.
Nilakihan niya ang away ng gate. "Tuloy kayo. Hintayin niyo lang si ma'm sa salas. Sasabihin ko lang." Sabi niya.
Sumunod naman kami sa kaniya. Napatingin ako sa garahe. Malawak ito. Tingin ko hindi lang isang sasakyan ang magkakasya dito.
"Halika na, Naya." Tawag sa akin ni Elene.
Nang makarating na kami sa loob ay pinaupo kaming dalawa sa sofa. Bakas mukha ko ang pagkamangha habang inililibot ko ang aking paningin sa loob ng bahay. Sumisigaw ng karangyaan ang bahay! Sa labas pa nga lang, bongga na ang pagkadesign, mas lalo na dito sa loob. Nahagip din ng paningin ko ang malaking chandelier dito sa salas.
"Heto na siya, Naya." Bulong sa akin ng kaibigan ko.
Napatingin ako sa babaeng pababa na. Namangha ako nang makita ko ang tinutukoy ni Elene na Mrs. Ho. Katulad niya ang mga babaeng may lahing chinese sa Binondo! Ang gaganda! Alagang-alaga ang kutis! Ang puti pa! Medyo naitimidate ako!
Sabay kaming tumayo ni Elene para batiin siya. "Good afternoon po, Mrs. Ho." Bati naming dalawa.
Ngumiti siya sa amin. Nilapitan niya kami. "Good afternoon din, sorry kung natagalan yata ako." Sabi niya. Pero nagtataka ako bakit parang wala siyang accent ng pagiging chinese? Tumingin siya sa akin na hindi nawawala ang ngiti niya. "You must be Naya? Ang tinutukoy nito ni Elene?"
Agad ko siyang ginawaran ng ngiti. "Opo, Mrs. Ho."
Tumango siya. "I see, maupo muna tayo." Sabi niya na agad naming sinunod. Tumingin siya sa katulong nila. "Manang, padala naman ng orange juice para sa mga bisita."
Sumunod naman sa kaniya ang katulong.
Muli tumingin sa amin si Mrs. Ho. "Mabuti nalang ay may nairecommend ka sa akin, Elene. Medyo nahihirapan pa kasi ni Russel sa english subject. Nakakapagtaka naman kung bakit doon lang siya mababa and the rest is good. Nagtataka lang din ako na walang tumatagal na tutor sa kaniya. Hindi nakakatagal ng dalawang buwan sa kaniya."
"Don't worry po, Mrs. Ho. Kaya naman po ni Naya na turuan si Russel. Mahaba naman ang pasensya niya pagdating sa mga bata. In fact, Psychology major po siya." Sabi ni Elene sabay tingin sa akin.
Bakas na namangha si Mrs. Ho nang banggitin ni Elene tungkol sa course ko. Wengya ka, Elene! Lagot ka sa akin pagkauwi natin! Ugh!
Dumating ang maid nila na may dala nang juice. Isa-isa niyang inilipat ang mga baso sa center table ng salas.
"Kailan ka pwede magturo kung ganoon, Naya? 4:30 PM naman ay narito na si Russel galing school."
Ngumiti ako. "Every Thursday and Friday po wala po akong pasok. Ganoon din po sa Sunday." Tugon ko naman.
Tumango siya. "Alright. Bale ang schedule mo nalang ng Thursday and Friday is 2 hours... And you can teach him in Sunday morning. Okay naman siguro mga ten hanggang two?"
"Wala pong problema, Mrs. Ho."
Lumapad ang ngiti ni Mrs. Ho. "That's great! Nakafix na ang schedule mo, Naya... Wait, should I really call you Naya lang or..."
"Naya nalang po, Mrs. Ho."
Naputol lang ang pag-uusap naming tatlo nang may narinig kaming bumubusina sa labas.
"Oh, nakarating na pala siya. Manang? Pabuksan mo naman si Keiran." Utos ni Mrs. Ho sa maid nila.
Sumunod ang maid nila. Lumabas ito para pagbuksan ng gate ang bagong dating na iyon.
"That's my son, Keiran. Panganay kong anak." Sabi ni Mrs. Ho na hindi maalis ang ngiti niya.
Pagkatingin ko sa lalaki na bagong dating sa pintuan, nagtataka ako lalo na't hindi maalis ang tingin niya sa akin na hindi ko alam kung bakit...
Nakasakay na kami ng jeep ay hindi tumitigil sa pagdadaldal ni Elene dahil nakita namin ang panganay na anak ni Mrs. Ho. Napailing ako't hindi nalang nagbibigay ng kumento dahil mas nakakahiya lalo na't marami kaming pasahero dito sa jeep na ito.
"Guwapo niya talaga, Naya!" She exclaimed when we reached the last stop, ang terminal.
"Oo na, guwapo na." Sabi ko nalang para tumigil na siya.
Hindi ko maitanggi iyon. Guwapo nga ang anak ni Mrs. Ho. Maputi (mas maputi pa siya siguro sa akin!), matangkad na tingin ko ay nasa 5'9 or 5'10 ang height niya, neatly combed black hair, matangos ang ilong, thin lips... I can see he has a distinguish feature... Mga mata niya. Hindi ko lang ma-clarify dahil malayo siya nang nakita namin siya ni Elene. Pero iyong kilay niya tugma tugma sa kaniya, parang katulad sa mga korean actors. Pansin ko din nasa gestures niya, tahimik, at seryoso. Iyong tipong nababasa mo sa mga libro na pa-mysterious effect.
_
Hindi ako agad umuwi sa bahay dahil dumaan muna kami ni Elene sa Perps para tumambay saglit. Mabuti nalang ay kilala naman kami ng guard kaya napasok kami agad kahit hindi na magpresent ng ID or registration form.
"Hi Ethan!" Bati ni Elene nang nakasalubong namin ang isa sa mga kakilala namin. Si Ethan, siya ang president ng dancing club na Agbuya? Not sure kung tama ba 'yung iyon nga kasi hindi naman ako active sa mga ganyan. Schoolmate ko siya, taking up Education.
"Yow! Saan kayo nagpunta? Bakit ganyan mga suot ninyo?" Tanong niya sa amin.
Elene rolled her eyes. "Di ba nga? Wala kaming pasok tuwing Thursday and Friday? Galing kaming Greenwoods kanina, nameet namin si Mrs. Ho, nanay nang ichu-tutor nito ni Naya." She answered.
Napatingin sa akin si Ethan na parang namangha. "Talaga? Nagpapart time ka ngayon, Naya?"
Hilaw akong ngumiti saka tumango. "Kailangan, eh. Para maging handa next year, paniguradong marami ulit bayarin." Sagot ko naman.
Tumango siya, na para bang nakuntento siya sa sagot ko. "That's good. Oh sige, pupuntahan ko muna mga kagrupo ko." Paalam niya sa amin. "See you next week!"
Hinatid lang namin siya ng tingin habang naglalakad siya palayo sa amin.
"Tara, puntahan natin si Inez sa Gym!" Biglang aya ni Elene sabay hatak sa akin papunta sa Gym.
Naabutan namin na nagbebreak time ngayon ang women volleyball team. Nahagip ng mga mata ko si Inez na nakaupo sa bleachers habang umiinom ng tubig. Nilapitan namin siya ni Elene. Tatlo talaga kami magkaibigan, iyon nga lang, Education din ang kinukuha ni Inez.
She has a fair skin, tall with an athletic figures na bagay talaga dahil player siya. Dark brown eyes with thin eyebrows. Hanggang balikat lang ang kaniyang buhok.
"Oh, napadaan kayo?" Salubong niya sa amin nang nakalapit na kami sa kaniya.
"Binibisita ka lang, eh." Natatawang sagot sa kaniya ni Elene. Umupo kami sa tabi ni Inez. Nasa gitna namin siya. "May nakita akong pogi kanina."
Napailing ako. Here we go again...
"D'yan ka magaling, pogi ka ng pogi pero yung grades mo, hindi mo inaasikaso. Lalo na 'yung incomplete mo."
Napasimangot naman itong si Elene dahil uumpisahan na naman siyang sermonan ni Inez. "Grabe ka talaga sa akin! Aasikasuhin ko din naman!"
"Ilang sem na kaya nakatengga 'yung inc mo. Nako, kung ako sa iyo, asikasuhin mo na para wala ka nang poproblemahin kapag nag-OJT na." Dagdag pa ni Inez saka uminom ulit ng tubig.
Minsan hindi magkasundo itong si Inez at Elene dahil sa pag-aaral. Steady kasi sa pag-aaral at pagiging varsity si Inez kaya wala siyang panahon para sa lovelife o lumandi, habang si Elene naman ay easy-go-lucky ang peg niya. Hays!
_
Kinabukasan ay unang araw kong maging tutor ni Russel. Sayang lang, hindi ko siya nakita kahapon dahil alas kuwatro y media pa ang dating niya. Three thirty naman kaming umalis sa bahay nina Mrs. Ho kaya hindi ko din siya naabutan. Tanging panganay na anak lang ni Mrs. Ho.
"Hi, Naya!" Nakangiting bati sa akin ni Mrs. Ho nang nakarating na ako sa bahay nila.
"Good afternoon po, Mrs. Ho." Balik-bati ko sa kaniya na medyo nahihiya pa.
"Nasa kuwarto na si Russel, hintayin mo lang at pababa na din iyon. Nagmeryenda ka na ba?"
Napaawang ang bibig ko. "A-ah, o-okay lang po, Mrs. Ho. B-busog pa naman po ako." Sabi ko.
She chuckled. "It's okay, iha. Kumain ka muna. Para may energy ka para makipag-argue kay Russel."
Huh? Argue? Bakit?
"Mom! Sabi ko naman kasi sa iyo huwag mo na akong kuhaan ng tutor!" Isang matinis na boses ang aming narinig. Napatingin kami sa hagdan. Tumambad sa amin ang isang batang lalaki. Nakasimangot ito.
"Russel, behave." Saway ni Mrs. Ho sa kaniya. "She's Naya and she will be your tutor for a short time."
"H-Hi..." Bati ko.
Hindi nagbago ang ekspresyon ng kaniyang mukha. Nakasimangot parin ito saka lumapit sa akin nang padabog. Muli siyang sinuway ni Mrs. Ho pero mukhang hindi nakikinig ang batang ito.
"Sorry, Naya, ha? Ganyan talaga si Russel. Ihahanda ko lang ang meryenda ninyong dalawa." Wika ni Mrs. Ho na nababasa ko sa ekspresyon ng mukha niya na nahihiya.
Agad akong umiling. "Okay lang po, Mrs. Ho."
Nang iniwan kami ni Mrs. Ho ay tumingin ako kay Russel. Napabuntong-hininga ako saka nilapitan siya. "Uhm, let's start?"
Tumingin siya sa akin. Isang masamang tingin ang iginawad niya sa akin.
Kinuha ko ang english book niya saka binuklat iyon. Tiningnan ko ang pahina kung saan ang last discussion. May assignment pala siya!
"May assignment ka, sagutan natin." Nakangiting sabi ko nang tiningnan ko siya.
"Ayaw." Mariin niyang sagot.
"Bakit naman?"
"I want to play! Ayaw kong sagutan iyan."
"You can play later, Russel. Basta sagutan natin itong assignment mo. Alright?"
"Sabing ayaw ko. Bakit ba ang kulit mo?!" He almost shout at me.
Mataimtim ko siyang tiningnan. Naniningkit ang mga mata ko. "Makulit ako kasi kailangan mong gawin ito. Kung hindi mo gagawin ito, hindi ka pwedeng lumabas para maglaro."
Tumayo siya. "Hindi kita nanay!"
Okay, Naya... Patience is a virtue... Tandaan mo iyan.
"Russel! Huwag mong sigawan si Naya!" Biglang sabi ni Mrs. Ho na dala na niya ang meryenda at inilapag na niya iyon sa center table.
Tumingin ako kay Mrs. Ho na nakangiti. "Ako na po ang bahala sa kaniya, Mrs. Ho."
Parang nag-aalanganin pa si Mrs. Ho na iwan ako dahil sa kaniyang anak. Nag-aalala daw siya na baka anong gawin sa akin ni Russel but I insist.
Muli akong tumingin kay Russel. "Okay, kung ayaw mo talagang sagutan... Hinding hindi ka makakalabas. Aabutin tayo ng gabi kung hindi mo pa gagawin iyan." And I crossed my arms. "Anong gusto mo? Maglalaro ka nang tapos mo na ang assignments mo o hindi ka makakapaglaro dahil hindi mo pa ito tapos? Choose one, Russel."
Padabog siyang lumapit sa center table. Kumuha siya ng ballpen mula sa kaniyang pencil case at sinagutan niya ang assignment niya dahil wala na siyang choice. I can understand him. At his age, nasa isip pa nila ang paglalaro pero hindi rin nila pwedeng tabukan ang kaniyang responsibilidad sa school which is homework.
"Kapag naperfect ko ang assignment ko, dapat may reward ako!" Sabi niya nang natapos naming sagutan ang assignment niya.
I smirked. "Sure."
--
"I'm done with my assignments. Can I play now?" Iritado niyang tanong sa akin.
Sumandal ako sa sofa. "Sure."
Halos matalon na siya sa tuwa nang pumayag ako na maglalaro na siya sa labas. Saktong lumapit sa akin si Mrs. Ho na may ngiti sa kaniyang mga labi.
"Thank you so much, iha. Kanina nag-aalala ako na baka hindi sumunod sa iyo si Russel."
I smiled. "You're welcome po, Mrs. Ho."
"Tama pala ang sabi ni Elene sa akin. You can handle a kid like Russel."
"N-naku! Hindi naman po..."
Sabay kaming napatingin ni Mrs. Ho sa may hagdan na tila may pababa na dito. Medyo natigilan naman ako nang makita ko ang panganay niyang anak na si Keiran. He's wearing a simple printed shirt, a jersey shorts and slippers. Medyo magulo lang ang kaniyang buhok, siguro ay bagong gising.
"Oh, you're awake! May pagkain pa sa Dining, anak. You can grab some." Wika ni Mrs. Ho sa panganay niyang anak.
Tango lang ang sagot nito. Dumiretso siya sa kusina.
_
Pagkatapos naming magmeryenda at magkwentuhan ni Mrs. Ho ay nagpasya na akong umuwi. Ayaw pa nga niya akong paalis dahil wala akong kasama para ihatid ako sa labasan pero nagpumilit parin ako. Hindi pa naman gabi na gabi. May tricycle pa naman sa may gate kaya okay lang.
"Keiran!" Tawag ni Mrs. Ho nang nasa labas na kami ng bahay nila.
Lumapit naman si Keiran sa amin. "Hmm?"
"Pupunta ka naman kina Benedict, diba? Baka naman pwede mo nang isabay si Naya sa may waiting shed o hindi kaya sa mismong terminal na papuntang Paliparan Site?"
Wala akong narinig na pagtatanggi mula kay Keiran. Sa halip ay tumango siya. "Ilalabas ko lang ang kotse." Sabay tinalikuran niya kami.
"Ayan, sasabay ka na kay Keiran—"
"N-nakakahiya naman po, Mrs. Ho... O-okay lang..."
"Iha, babae ka. Hindi pwedeng palagi kang mag-isa. Panatag ako kung anak ko ang kasabay mo"
Napangiti ako. Hindi ko akalain na sobrang bait pala nito ni Mrs. Ho.
"Dito nalang ako." Sabi ko nang itinuro ko sa kaniya kung saan niya ako ibababa nang narating namin ang terminal.
Hininto naman niya ang kotse sa gilid ng kalsada.
Kinalas ko ang seatbelt at bumaling sa kaniya. "S-salamat..." Ang tanging nasabi ko. Binuksan ko ang pinto at nagmamadali nang lumabas ng sasakyan. Hindi na ako nag-atubili pang lumingon sa kaniya. Dire-diretso akong naglakad papunta sa jeep papuntang Paliparan.
Sa totoo lang, hindi ako mapakali habang nasa loob ako ng sasakyan niya. Ramdam ko parin ang awkward sa pagitan naming dalawa. At saka, naiintimidate ako sa presensya niya na hindi ko naman alam kung bakit.
Payapa akong nakauwi. Sinalubong ako ni mama na nakangiti.
"Naya, anak? Pwede ka ba namin makausap ni papa mo?" Aniya.
"S-sige po, ma." Sabi ko.
Tinalikuran ako ni mama at dumiretso siya sa kusina kung nasaan din si papa. Ginagapangan na ako ng kaba dahil pakiramdam ko ay importante at seryoso ang sasabihin nila sa akin. Hindi kaya dahil sa pagpa-part time ko bilang tutor? Tumutol na kaya sila? Nakaisang araw palang naman ako.
Umupo ako sa madalas kong pwesto. Tiningnan ko maigi sina mama at papa. Nung una ay parang hindi nila alam kung papaano nilang uumpisahan.
"Ma? Pa?" Tawag ko sa kanila.
Panatingin silang dalawa sa akin. Yumuko si papa habang si mama naman ay napabuntong-hininga.
"Anak, ano kasi..." Hilaw ngumiti si mama. "Babalik na kami ng papa mo sa Dubai. Pinapabalik na kasi kami ng amo namin doon."
Oo nga pala, parehong OFW sina mama at papa sa Dubai. Pareho silang naninilbihan sa isang mayaman pamilya doon. Maid si mama habang si papa naman ay family driver.
Parang hinampas ang puso ko sa narinig ko. "A-aalis na po kayo?" Parang hindi pa nagsisink in sa isip ko ang sinabi nila.
Nag-umpisa silang pumunta doon noong second year high school palang ako. Medyo mahirap lang dahil hindi ako sanay na wala sila palagi sa tabi ko. Hindi sa lahat ng oras ay dadamayan nila ako sa problema ko, tuwing may sakit ako, sarili ko lang ang inaasahan ko. Pero hindi ibig sabihin nun ay isusumbat ko sa kanila ang pinagdadaanan ko dito. Naiitindihan ko naman sila. Ginagawa naman nila iyon para sa akin. Kaya gustong gusto kong magtapos na para hindi na sila bumalik doon at magbabanat ng buto. Ang gusto ko, dumito nalang sila sa Pilipinas magtrabaho.
"Sorry, anak... Kailangan na kasi..." Dagdag pa ni mama.
Yumuko ako. Pinipigilan ko ang sarili kong maluha sa harap nila. Ayaw kong makita nila na mahina ako.
"Naya..." Mahinang tawag ni papa sa akin. Hinawakan niya ang isang kamay ko kung kaya napatingin ako. "Alam naming maiksi na panahon lang na nakabalik kami dito sa Pinas. Alam naming marami kaming pagkukulang sa iyo."
Pilit akong ngumiti. "Okay lang papa, mama... Naiitindihan ko naman po kayo..." Sabi ko. Tatagan mo pa ang loob mo, Naya!
Iniwan ko sa bahay ang frustrations ko. Gustuhin ko mang sabihin kay Elene na magiging mag-isa na naman ako sa bahay ay hindi ko magawa. Pilit kong maging focus sa part time ko. Ginagawa ko ang best ko para hindi maapektuhan. Parang normal lang... Parang wala lang.
Seryoso akong nagtuturo kay Russel. Medyo gumaan naman ang trabaho ko sa kaniya dahil hindi na tulad noong Biyernes na nakikipag-argue pa siya sa akin. Ngayon, nakikipagcooperate na siya sa akin. Bawat tanong ko, nasasagot naman niya nang maayos. Dahil nagawa niya ang task niya nung nakaraan, binilhan ko siya ng chocolate sa 7 Eleven pa na kahit ang mahal-mahal niya. Huhuh!
"Alam mo kung bakit palagi akong bagsak sa English at pasaway?" Bigla niyang tanong sa akin. Nandito kami ngayon sa kuwarto niya.
Napatingin ako sa kaniya. Hindi ako nakapagsalita. Sa halip ay hinintay ko lang ang sagot mula sa kaniya.
"Gusto ko lang naman mapansin ako ni papa. Wala nga lang siya dito dahil nasa Manila siya. Busy siya sa work niya." Dagdag pa niya na nakatingin lang sa kaniyang libro. "Buti pa ang work niya, mahal na mahal niya. Pero kami hindi."
Napaawang ang bibig ko sa sinabi niya. Hindi ko akalain na masasabi niya ang mga bagay na ito. Dalawang beses palang naman kami nagkikita.
"I hate him. Gusto niya ang masusunod. Kahit gusto ni kuya maging architect, kumuha nalang siya ng kurso na may kinalaman sa business dahil si kuya ang susunod na maghahandle ng kompanya niya."
"R-Russel..." Mahina kong tawag sa kaniya.
May tumulo na isang butil ng luha mula sa kaniyang mata at agad naman niya iyon pinunasan na para bang ayaw niyang makita ko kung anong kalagayan niya ngayon.
Duampo ang tingin ko sa libro. Parang pinipiga ang puso ko sa mga nalaman ko. Ganito pala ang nararamdaman niya para sa tatay niya. Samantala naman ako, may tatay at nanay ako pero malalayo ulit sila sa akin. Feeling ko, nakarelate ako sa pinagdadaanan ng pamilyang Ho.
Biglang tumulo ang luha at umagos iyon sa aking pisngi.
"N-Naya... Why a-are you c-crying?"
Marahas akong umiling. Agad ko din pinunasan ang luha ko. Tumingin ako sa kaniya at pilit ngumiti. "Wala... Huwag mo nalang ako pansinin. You can play outside na. Tapos na tayo sa lesson mo."
Tumango lang siya saka lumabas na siya sa kaniyang kuwarto. Marahas akong napabuntong-hininga. Tumayo ako para ayusin ang mga gamit ni Russel.
Natigilan ako nang may tissue sa harap ko. Napatingin ako sa gilid ko nang makita ko si Keiran. Inabot niya ako ng tissue.
"Narinig ko sa labas na umiyak ka daw." He said.
Naalarma naman ako. Hinawakan ko ang magkabilang pisngi ko kung basa pa rin ba dahil sa luha. Meron pa, kaunti nga lang. Agad kong tinanggap ang tissue na inabot sa akin ni Keiran saka pinunasan ang mga naiwan pang luha. "S-salamat..."
"Bakit ka umiyak?" He asked.
Parang umurong ang dila ko. Hindi ko alam kung sasagutin ko ba iyon o hindi. Kaso ang ending ay "Nalulungkot lang ako." Sagot ko.
Tahimik lang siyang natingin sa akin, para bang inaabangan niya ang susunod kong sasabihin.
"Aalis na ang parents ko dito sa Pinas..."
"When?" He asked again.
"N-ngayong hapon..."
Hapon pa ang flight nina mama at papa. Nagpaalam ako na hindi ko sila maihahatid sa Airport. Sinabi ko na may lesson ako gawa ng part time ko. Naitindihan naman nila. Pero sa loob-loob ko, hindi ko kayang makita sila na paalis na sila. Na unti-unti na naman silang hahakbang palayo sa akin. Na magiging mag-isa na naman ako.
"What time?"
"F-five PM."
Tumango siya. Muli siyang nagsalita. "Hintayin mo ako sa garahe." Sabi niya saka mabilis siyang umalis sa kuwarto ni Russel.
Sinunod ko naman ang kaniyang sinabi. Sinalubong pa ako ni Mrs. Ho na nakangiti. Tuwang tuwa siya dahil naging successful ulit ang pagtuturo ko kay Russel ngayong araw, na hindi ito naging pasaway sa akin.
"Uuwi ka na ba, iha?" Tanong niya.
"A-ano po—"
"I'll take her to the Airport." Biglang sumulpot si Keiran.
Pareho kaming napatingin ni Mrs Ho sa kaniya. Kumunot ang noo niya na parang naguguluhan. "Ha? Sa Airport? Bakit?"
"Flight na ng parents niya ngayong hapon. Kailangan niyang maabutan." Sagot niya sa kaniyag ina.
Unti-unti naalis ang pagkakunot ni Mrs. Ho. "Oh... Okay. Mag-iingat kayo ha?"
Tumingin sa akin si Keiran. Nilagpasan niya ako't binuksan niya ang pinto ng kaniyang kotse. Muli siyang tumingin sa akin. "Hop in." He commanded.
Tumango naman ako saka lumapit. Sumakay ako sa passenger's seat. Siya na din ang nagsara ng pinto. Umikot siya sa harap hanggang sa nakasakay na din siya sa driver's seat. Binuhay na niya ang makina at dahan-dahan kaming lumalabas sa bahay ng mga Ho. Nagpahabol pa ng kaway si Mrs. Ho bago kami tuluyang nakaalis sa Greenwoods.
Ilang beses na akong nagtetempt na itanong kung bakit niya iyon ginagawa. Bakit nagprisinta siyang samahan niya ako sa Airport?
"You are their strength, Naya. Kung ikaw ay natatakot na umalis sila. Mas natatakot naman sila na lumayo sa iyo." Sabi niya.
Bumaling ako sa kaniya. Napaawang ang bibig ko sa kaniyang sinabi. Parang nababasa niya ang iniisip ko ngayon.
"It's hard to say goodbye, pero ang mas mahirap, kung nararamdaman nila na may tampo ka sa kanila."
That words hit me. Dahil d'yan ay kusa na namang tumulo ang luha ko na walang pasabi. Naninikip ang dibdib ko. Yumuko ako't hindi ko na mapigilan pa ang sarili kong humikbi. Wala na akong pakialam kung nakikita o naririnig man ni Keiran ang eksena na ito.
Ito ang nararamdaman ko ngayon, eh.
Pagdating namin ng NAIA ay agad kaming pumasok para hanapin sina mama at papa. Tama nga siya, natatakot lang ako na iwan ulit. Natatakot ako na maging mag-isa na naman ako. Natatakot ako na mangungulila ako sa kanila.
"Naroon sila." Sabi niya sabay turo niya sa direksyon kung nasaan sina mama at papa, nakaupo't naghihintay na inannounce ang flight nila.
"Ma! Pa!" Malakas kong tawag sa kanila.
Napukaw ko ang atensyon ni mama. Napaawang ang bibig niya nang makita niya ako. Naiiyak na ako, naiiyak na ako! Agad silang lumapit sa akin at niyakap ng mahigpit.
"Naya..." Mahinang tawag ni mama, napapaos.
"I'm sorry ma. Sorry...." Hindi ko na mapigilan ang sarili kong mapaiyak.
"Naiitindihan ko anak. Lagi mo lang tatandaan na mahal na mahal kami ng papa mo." Sabi niya na hindi na rin niya mapigilan pang napaiyak.
Download NovelToon APP on App Store and Google Play